Binanggit nina Senator Raffy Tulfo at Senator Win Gatchalian ang pagtakas ng ilang VIP fugitives gamit ang airport tarmac at ibang backdoor exits – gaya nina Alice Guo, Harry Roque, at iba pang pugante.
Sa Senado, inalmahan ni Senador Raffy Tulfo ang patuloy na ginagamit na butas sa airports para makatakas ang mga fugitive at makapasok ng kontrabando sa bansa sa pamamagitan ng chartered flights at VIP processing.
Sa naganap na Senate hearing tungkol sa modernization ng Bureau of Immigration (BI), ibinunyag ni Tulfo na ilang beses nang nagamit ang scheme na ito sa human trafficking at smuggling dahil hindi dumadaan sa regular na proseso ng immigration ang mga VIP passengers na sakay ng chartered planes.
Ayon sa senador, direktang pinapapasok sa tarmac ang sasakyan ng mga pasahero, sasakay ng eroplano, at doon pa lang sila poprocesshin ng immigration at customs gamit ang cellphone na walang koneksyon sa main database ng BI.
“Kung malakas sila at may konting meku-mekus, pwede silang makalusot using false ID at irerehistro lang sa manifest bilang Juan Dela Cruz kahit Mario Santos pala ang pangalan,” paliwanag ni Tulfo.
Binigyang-diin din nito na hindi ini-inspect ang mga bagahe ng mga pasahero sa chartered flights, kaya posibleng magpasok ng droga, baril, at iba pang kontrabando nang hindi nahuhuli.
| More: Claire Castro pinuri si Leni Robredo binagsak si Sara Duterte
Umamin si BI Commissioner Joel Anthony Viado na sa ngayon ay wala pang VIP processing center para sa chartered passengers dahil may private entity na nag-ooperate ng airports, ngunit suportado nila ang paggawa nito.
“We acknowledge that your honor, we will address the matter immediately with those concerned from the private entity operating the airports,” sagot ni Viado sa senador.
Lumalabas din sa hearing na malawakang ginagamit ang backdoor exits sa Tawi-Tawi para makatakas ang mga high-profile personalities gaya nina Guo Hua Ping o Alice Guo, Harry Roque, Congressman Teves, at Atong Ang.
Ayon kay Viado, halos 50 percent ng karagatan ng bansa na sakop ng Tawi-Tawi ay mahina ang internet connection doon, kaya hirap silang magmonitor at mag-validate ng mga dumadaang tao.
Nabunyag din na 150 hanggang 160 lang ang intelligence personnel ng BI nationwide, at lima lang ang operatiba ng Fugitive Search Unit na humuhuli ng mga fugitive.
Wala ring facial recognition technology ang BI kaya kahit blacklist at pinalayas na ang isang dayuhan, makakabalik ito gamit lang ibang passport na pareho ang litrato ayon kay Viado.
Hinimok ni Tulfo na bilisan ang modernization program ng BI at bigyan ng sapat na budget para magkaroon ng facial recognition, additional personnel, at sariling sea assets para makasampa sa mga dredging vessels na ginagamit sa posibleng human smuggling.

