Bangayan ni Erice at Garin sa ‘interference’ ni Sandro Marcos

“I was accompanied by the Minority Leader at tinanong niya ako mismo, “Bakit ako nagsalita ng ganoon?” Wala na ba akong karapatang magsalita bilang miyembro ng Minorya? Madalas akong sabihan ni Minority Leader Libanan na tumatawag si Sandro at nagrereklamo sa mga salita ko. Kahapon, kinausap niya ako at sabi niya hindi na niya kaya ang pressure ng itaas.” ~Egay Erice

Tinanggal sa pwesto si Egay Erice bilang Senior Deputy Minority Leader matapos niyang batikusin ang administrasyong Marcos at isiwalat ang umano’y pakikialam ni Majority Leader Sandro Marcos sa Minority group.

Sa isang privilege speech sa Batasang Pambansa, idetalye ni Erice ang mga dahilan ng kanyang pag-alis sa posisyon.

Binigyang-diin niya na walang malinaw na basehan ang pagkakasibak sa kanya maliban sa kanyang tuloy-tuloy na mga kritisismo.

Sa kabila nito, maluwag niyang tinanggap ang paghalili ni dating Senator Leila de Lima sa kanyang pwesto.

Naniniwala si Erice na may conflict of interest dahil ang anak ng Pangulo ang nagsisilbing Majority Leader.

“Sinita ako ni Congressman Marcos. I replied that the anti-political dynasty advocacy has long been one of my advocacies. Ngunit sinabi niya, “Hindi, inaatake mo ang aking ama”. Ang sagot ko, ang kritisismo ay nakakatulong upang maituwid ang mga pagkakamali kung bukas ang isip ng mga nakikinig.”

Ayon sa kanya, ang sitwasyong ito ay nagreresulta sa labis na pagprotekta sa mga polisiya ng kasalukuyang administrasyon.

Dahil dito, nagkakaroon umano ng hindi tamang pressure sa liderato ng Minority group. Ito ang nakikitang dahilan kung bakit kailangang magkaroon ng pagbabago sa kanilang hanay.

Interference ni Sandro Marcos

Ayon sa mga pahayag sa plenaryo, pinatawag si Erice sa opisina ni Majority Leader Sandro Marcos kasama si Minority Leader Nonoy Libanan.

Sa nasabing pagpupulong, kinuwestiyon umano ang mga naging talumpati ni Erice laban sa ama ng Majority Leader.

Sinabi rin ni Erice na madalas tumatawag ang batang Marcos kay Libanan para magreklamo sa kanyang mga salita.

“Nagpapasalamat din po ako kay Minority Leader Nonoy Libanan. Alam ko po na nakatali ang kanyang mga kamay. Malaki na rin po ang kanyang sakripisyo sapagkat madalas siyang tinatawagan ni Majority Leader Sandro Marcos dahil sa aking tuloy-tuloy na kritisismo sa mga polisiya ng administrasyong Marcos.”

Ito ang itinuturong dahilan kung bakit hindi na kinaya ng liderato ng Minority ang pressure mula sa itaas.

Bundat’ Anti-Dynasty Bill

Maliban sa isyu ng posisyon, tinalakay din ni Erice ang umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng bayan.

Binanggit niya ang paglipat ng mahigit 1.45 trillion pesos sa mga budget mula 2023 hanggang 2025.

>MORE: ‘Desire’ at ‘imagination’ ni Bong Suntay kay Anne Curtis, example sa hearing

Dahil dito, naapektuhan ang mga pondo para sa PhilHealth, PDIC, at mga maintenance ng pambansang kalsada.

“And so I ask: why did President Marcos allow this? Why did his cabinet remain silent?”

Binatikos din niya ang inaprubahang bersyon ng Anti-Political Dynasty Bill sa komite.

“Bakit ko nasabing “bundat”? Simple lang po. Ang proposal ay travesty of the Constitution dahil papayagan ang maraming magkakamag-anak na tumakbo sa iba’t ibang posisyon.”

Para sa kanya, ang nasabing panukala ay lalong magpapalakas sa mga dinastiya sa halip na pigilan ang mga ito.

Pagtatanggol ni Janet Garin

Sumagot naman si Deputy Speaker Janet Garin at sinabing dapat ayusin ng Minority ang kanilang sariling problema.

“Accusing the Majority of meddling in their affairs or voting is something that I cannot accept. Blaming the Majority Leader or members of the Majority for what happened in their change of leadership is unparliamentary and uncalled for. Please spare us, the Majority.”

Iginiit ni Garin na hindi dapat idawit ang Majority sa usapin ng pagpili ng mga opisyal ng kabilang grupo.

Hirit ni Marcoleta

Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Congressman Paolo Marcoleta sa naging paninindigan ni Erice sa plenaryo.

Kinilala ni Marcoleta ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na boses ng oposisyon para sa check and balance.

Binanggit din niya na naranasan din ng kanyang pamilya ang katulad na panggigipit sa mga nakaraang taon.

“I share the views of the distinguished colleague na parang tayo po ay pinipigilang magsalita dito. Iyon din ang karanasan ng aking ama nung siya ay tinanggalan ng committee memberships dahil nagsalita siya laban sa House leadership noon. Nararamdaman ko rin iyan kapag pinuputol ako sa plenaryo o sa mga committee.”

Sa huli, nanatiling matatag si Erice na magsisilbi siyang equalizer sa House of Representatives kahit wala na sa posisyon.

Related Articles

Latest Articles