Nicholas Kaufman kinwestyon ang ebidensya sa ICC vs Duterte

Nagsimula na ang pagdinig sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague para sa mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang madugong war on drugs.

Iprinisinta ng prosecution ang mga ebidensya tungkol sa umano’y pag-organisa at pag-pondo ni Duterte sa mga hitmen noong siya ay mayor pa ng Davao City at hanggang sa kanyang pagkapangulo.

Nahaharap ang 80-anyos na dating lider sa tatlong counts ng murder at attempted murder para sa mga insidenteng naganap sa pagitan ng Nobyembre 2011 at Marso 2019.

Bagama’t nasa kustodiya na ng ICC simula noong Marso 12, 2025, hindi dumalo si Duterte sa simula ng pagdinig matapos niyang talikuran ang kanyang karapatang humarap sa korte.

Layunin ng confirmation of charges hearing na ito na tukuyin kung may sapat na basehan para ituloy ang kaso sa trial stage.

Inaasahang maglalabas ng desisyon ang mga huwes sa loob ng 60 araw matapos ang nakatakdang limang araw na pagdinig.

Sa panig ng defense, binira ni Lead Counsel Nicholas Kaufman ang prosecution at tinawag na politically motivated ang mga paratang upang pabagsakin ang legacy ni Duterte.

Binanggit niya ang sulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan nangako ang gobyerno na hindi makikialam sa ICC.

Ayon sa defense, may mga lihim na hakbang ang kasalukuyang administrasyon gaya ng funneling ng mga witnesses para pahinain ang posisyon ni Duterte sa internasyonal na komunidad.

“Will not assist the ICC in any way, shape, or form.”

Binigyang-diin ng defense na mas marami silang nakitang talumpati ni Duterte na nag-uutos sa mga pulis na sumunod sa batas kaysa sa mga ginagamit ng prosecution para sa incitement.

Mayroon umanong 45 speeches na pabor sa lawful self-defense kumpara sa sampu lamang na ginagamit para patunayan ang intensyong pumatay.

Pinabulaanan din nila ang pagkakaroon ng Davao Death Squad at tinawag itong isang fictitious construct na gawa-gawa lamang ng mga kritiko at media.

“The notorious speeches on which the prosecution relies have been cherry-picked to suit its narrative while ignoring the many other speeches when the former president tempered his bombastic language by clear reference to the principle of lawful self-defense.”

Kinuwestiyon din ng defense ang kredibilidad ng imbestigasyon dahil sa dating Chief Prosecutor na si Karim Khan na na-disqualify sa kaso dahil sa conflict of interest.

Binatikos nila ang paggamit ng aklat na Duterte Harry bilang ebidensya at tinawag itong trashy item of pulp fiction na walang objectivity.

Bilang patunay ng kawalan ng criminal intent, binanggit ni Kaufman ang bahagi ng Pieta speech kung saan binalaan ni Duterte ang mga abusadong pulis.

“Abuse your authority and there will be hell to pay, for you will have become worse than criminality itself.”

Sa pagtatapos ng unang bahagi ng mga pahayag, hiniling ng defense team na ibasura ang lahat ng kaso laban kay Duterte at ibalik siya sa kanyang pamilya bilang kanilang Tatay Digong.

Binigyang-diin nila na walang sapat na basehan para sabihing ninais ng dating pangulo na pumatay ng mga tao dahil lamang sa kanyang incendiary language.

Mananatili ang atensyon ng mundo sa ICC habang sinusuri ang mga ebidensya bago ang pinal na desisyon ng korte sa loob ng susunod na dalawang buwan.

Related Articles

Latest Articles