18 ex-Marines itinuro si Marcos Jr. na utak sa male-maletang korapsyon

Inilantad ng 18 dating Marines ang diumano’y bulto-bultong delivery ng mga maleta ng pera sa mga tirahan ni President Ferdinand Marcos Jr. at ang panunuhol sa mga International Criminal Court (ICC) investigators.

Inihayag ni Atty. Levito Baligod ang mga testimonya nina Bernard Tubera at iba pang dating sundalo tungkol sa mahigit 100 delivery ng cash mula 2022 hanggang 2024.

“Ang mga kasundaluhan na nasa harap ninyo, mula September 2022 hanggang sa gitna ng 2024, ay tatlo hanggang apat na beses kada linggo na nagde-deliver ng pera sa Forbes Park at sa Arlegui sa tapat ng Malacañang. Mahigit 100 beses silang nag-deliver, at kada delivery ay hindi bumababa sa bente na maleta. At minsan umaabot nga ito ng 52 na maleta na kinailangan pa nila ang anim na vans para mai-deliver lamang ang mga maleta na ito.”

Ang mga maleta ay inihatid diumano gamit ang hanggang anim na van bawat pagkakataon. Ayon sa mga whistleblower, ang operasyon ay sa utos nina Speaker Martin Romualdez at Representative Zaldy Co.

Agad namang naglabas ng matinding depensa ang Malacañang at iba pang opisyal sa harap ng mga mabibigat na paratang na ito.

Tinawag ni Usec Claire Castro ang mga alegasyon na isang script at paulit-ulit na kasinungalingan laban sa Pangulo.

Hinamon niya ang media na tignan kung sino ang nagpopondo at sumusundo sa mga whistleblower pagkatapos ng kanilang press briefing.

Iginiit niya na tungkulin ng NBI at PNP na hulihin ang mga nagkakalat ng fake news.

“Paulit-ulit na kasinungalingan laban sa Pangulo. Ang script, hindi pang-award-winning, hindi malinis. Alam mo na may kasinungalingan.”

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa mga dating sundalo na humarap sa Senado upang patunayan ang kanilang mga affidavit sa ilalim ng panunumpa.

Sinabi niya na hindi dapat mauwi sa trial by publicity ang mga ganitong seryosong akusasyon na sumisira sa dangal ng Kongreso.

Gusto ng senadora na buksan ang katotohanan sa tamang venue at hindi lamang sa mga press briefing.

“Kung baga sa maleta, mananatiling sikreto ang lamang niyan kung hindi ilalatag sa lamesa at bubuksan. Dito natin buksan sa Senado at suriin ang maleta ng katotohanan.”

Nanindigan si Atty. Baligod na ang Pangulo ang pangunahing responsable sa mga nangyayaring pagnanakaw diumano sa gobyerno.

Sinabi niya na bilang Chief Executive, dapat siyang maging pangunahing tagapagpatupad ng batas ngunit hinayaan lang ang mga ilegal na gawain. Ipinunto niya na takot ang mga kaalyado ng Pangulo na kumilos nang wala itong pahintulot.

“Ang ugat at pinuno ng pagnanakaw sa ating bayan ay walang iba kundi si President Marcos. At hindi gagalaw si Speaker Romualdez o si Zaldy na walang pahintulot kay PBBM. Bakit siya tumanggap ng maletang pera? Hindi ba siya nagtanong saan galing ito o para saan ito? I hold him responsible because, being the Chief Executive and the head of the executive branch, he is the chief implementer of laws. Siya ang dapat mag-implement ng mga batas. Pero hinayaan ang mga ito,” dagdag ni Baligod.

Nadawit din sa tensyon si Vice President Sara Duterte na naglarawan sa kasalukuyang governance bilang kalat at walang maayos na direksyon.

Sinagot ito ng Palasyo sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga isyu ng ghost students at ghost vouchers sa DepEd noong siya pa ang kalihim.

Sinabi ni Castro na kasalukuyang nililinis ni Secretary Sonny Angara ang mga naiwang problema ng Bise Presidente.

“Nakikita niyo na parang kalat ‘yung governance ngayon kasi ganoon din ‘yung ibang departments. Buti sana kung magaling lahat ng secretaries. Walang utos, walang nag-uutos sa ‘yo na presidente at walang nagbabantay sa ‘yo na presidente.”

Si General Torre naman ay tumangging magbigay ng komento habang hindi pa napatutunayan ang mga affidavit na may napakaraming pangalan.

Binanggit niya na baka sa huli ay sabihin lamang ng mga whistleblower na biro lang ang kanilang mga pahayag. Sa kabila nito, nananatiling aktibo ang panig ni Baligod sa paglalabas ng mga karagdagang datos sa publiko.

Sa huli, nananatiling mailap ang katotohanan habang wala pang pormal na kasong naisasampa sa korte laban sa mga nasabing opisyal.

Hinihintay ng publiko ang susunod na hakbang ni Atty. Baligod sa Office of the Ombudsman at ang posibleng imbestigasyon sa Senado.

Related Articles

Latest Articles