Makikipagkita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Naga City Mayor Leni Robredo para sa flood control project sa Bicol.
Nakatakdang magkita ang dalawang lider sa Sabado, February 21, sa Naga City. Layunin ng pagbisita na personal na tingnan ang “Oplan Kontra Baha” na ginagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Robredo ang kasalukuyang alkalde ng Naga City at kauna-unahang babaeng humawak ng posisyong ito. Siya ang tatanggap sa Pangulo. Ang proyekto ay nakatuon sa paglilinis ng mga kanal, estero, at mga ilog sa buong lungsod.
Ito ang unang pagkakataon na magsasama ang dating magkalaban sa pagkapangulo para sa isang opisyal na aktibidad ng gobyerno.
Ayon kay PCO Usec. Claire Castro, abala na ang mga kawani ng gobyerno sa paghahanda para sa pagbisita.
Kahit nakatuon sa imprastraktura ang aktibidad, may mga nagsasabi na maaaring may kaugnayan ito sa pulitika para sa 2028.
Maraming analysts ang nagsasabi na maaaring maging kandidato si Robredo laban kay Vice President Sara Duterte sa susunod na eleksyon.
| Related: “Good Luck”: Palace Reacts to Sara Duterte’s 2028 Run
Nilinaw naman ng Malacañang na walang kinalaman sa maagang pangangampanya ang nakatakdang pagtatagpo.
Ang pagsusuot din ng kulay pink ng mga opisyal sa press briefing ay itinuring na walang malisya at walang kaugnayan sa anumang alyansa.
Binigyang-diin ng Palasyo na “trabaho, trabaho, trabaho” ang prayoridad ng administrasyon sa kasalukuyan.
“Ang kulay na sinuot ko ngayon ay wala pong kaugnayan sa anumang politika,” paliwanag ni Castro.
“Wala po kasing talagang napag-uusapan tungkol sa pangangampanya o kung sinuman ang magiging kandidato sa 2028,” dagdag pa ng opisyal.
Tungkol naman sa International Criminal Court (ICC), kinumpirma ng Palasyo na legal ang pagpopondo sa biyahe ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakabatay ito sa Section 17 ng Republic Act 9851 na nagpapahintulot sa gobyerno na i-dispense ang lokal na imbestigasyon kung may international tribunal na tumatalakay sa kaso.
Mayroon ding “residual obligation” ang Pilipinas sa Rome Statute para sa mga kaganapang nangyari noong miyembro pa ang bansa.
“Kung taxpayer po ang ginamit dito, ito lang po ay naaayon sa batas dahil gumaganap lang po ang gobyernong ito sa kaniyang katungkulan,” giit ni Castro.

