Opisyal nang inanunsyo ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagtakbo bilang pangulo sa 2028 national elections sa gitna ng mainit na usapin ng impeachment at pagkalas sa alyansang Uniteam.
Sa isang press conference noong February 18, 2026, tahasang humingi ng paumanhin ang bise presidente sa publiko sa pagtulong kay President Ferdinand Marcos Jr. na manalo noong nakaraang halalan.
Binatikos ni Duterte ang administrasyong Marcos dahil sa umano’y kawalan ng integridad at pagkabigo sa mga campaign promises gaya ng pagsugpo sa baha at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin.
Iginiit niya na hindi na niya kayang manatili sa Gabinete dahil sa 2025 national budget na tila nababalot ng corruption.
“I am Sara Duterte, and I will run for president of the Philippines,”
“Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang pangulo ng ating bansa,”
Ang deklarasyong ito ay kasunod ng pagkaka-file ng apat na impeachment complaints laban sa bise presidente sa House of Representatives.
Pangunahing isyu rito ang umano’y maling paggamit ng P612.5 million na confidential funds noong siya ay nasa Office of the Vice President at Department of Education.
Related: “Good Luck”: Palace Reacts to Sara Duterte’s 2028 Run
Bukod sa sariling mga kaso, kasalukuyan ding nakadetine sa The Hague ang kanyang amang si dating President Rodrigo Duterte para sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs.
May isa ring reklamo na nag-uugnay sa bise presidente sa extrajudicial killings sa Davao City noong siya ay alkalde pa.
Bago ang kanyang talumpati, ipinaalis ni Duterte ang logo ng Office of the Vice President sa kanyang podium bilang simbolo ng pormal na pakikipaghiwalay sa administrasyon.
Ayon sa mga political analysts, ang timing ng anunsyo ay isang strategic power move upang ilihis ang usapin mula sa impeachment patungo sa 2028 race.
“I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation,”
Suportado nina Senator Bong Go at Senator Robin Padilla ang desisyon, kung saan lumutang pa ang ideya ng isang “girl power” tandem nina Duterte at Senator Imee Marcos.
Subalit binatikos ng Makabayan bloc ang hakbang na ito bilang isang “distraction” sa mga kinakaharap niyang alegasyon ng katiwalian.
Sa kabuuan, ang maagang deklarasyon ni Sara Duterte ay hudyat ng mas matinding tunggalian sa pulitika ng Pilipinas bago ang susunod na presidential election.
Nanatili siyang matatag sa pagsasabing ang kanyang kandidatura ay para sa seguridad at kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

