PARA sa tatlong miyembro ng 18th Congress, good ‘contribution’ si Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado sa susunod na Kongreso.
Reaksyon nila ito sa pahayag ng ruling party PDP-Laban na kinukumbinsi nila si Pangulong Duterte na tumakbong senador sa 2022.
Para kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, magandang adisyon si PRRD sa Senado.
“Kung tatakbo siya, wala naman akong nakikitang problema allowed naman yan under our constitution pinapayagan naman siyang tumakbo. And he will be a good contribution to the Senate. Dahil nga doon sa mga experiensya niya, yung mga nagawa na niya at syempre abogado rin yan noh? Yung kanyang wisdom to run the country,” pahayag ni Defensor.
Giit ni Defensor, asahan ni PRRD ang suporta nila sa Quezon City kung tutuloy sa senatorial race.
Para naman kay Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez, ‘walk in the park’ o magiging madali na lamang kay PRRD ang trabaho bilang senador.
Dahil na rin ito sa lawak ng kanyang karanasan sa public service.
“We’ve seen rin naman how he is a president. I value him as our chief executive because in my experience he has always acted with urgency on matters on the ground which is actually rare for a president. Kasi pag-iniisip mo usually ang layo-layo ng presidente doon sa concerns mo on the ground eh. But several disasters we’ve had here in Ormoc and in the 4th District of Leyte, the President has acted with utmost urgency and I appreciate that,” pahayag naman ni Torres-Gomez.
Para naman kay Surigao Rep. Robert Barbers, isang karangalan na makasama si Pangulong Duterte sa lehislatura.
Tiniyak rin nito ang suporta ng Surigao sa ano mang magiging plano ng Pangulo.
“Sa akin, it would be an honor and a pride of Mindanao kasi Mindanaoan kami eh and we need more Mindanaoan leaders to help the island of Mindanao further develop na inumpisahan ni Pangulong Duterte. Kaya nanghihinayang kami na matatapos na yung term niya eh. So, we need another Mindanaoan sana as president so that it will be what President Duterte has started. So, ako definitely yung aming probinsya, yung aming distrito ay 1001% nakasuporta sa likod ni President Duterte,” ayon kay Barbers.