May Kakaibang Natagpuan sa Dagat
Noong ika-30 ng Disyembre, alas-sais ng umaga, naglayag sina Rodney Valenzuela at ang kanyang mga kasama mula sa San Pascual, Masbate, upang maghatid ng isda. Habang nasa karagatan, napansin nila ang tila isang bagay na palutang-lutang. Ayon kay Valenzuela:
“December 30 po ah 6 ng umaga mag-deliver po kami ng isda papuntang sasal bay… nadaanan po namin yung kala ko po ay ano lang, boya lang na ginagamit ng mga mangingisda bilang tanda. Nalapitan na namin nakita ko po na may malaki palang katawan kaya binalikan ko po.”
Sa simula, inakala nilang ito ay isang simpleng ‘boya’. Ngunit nang kanilang lapitan, nakita nilang may antena at kakaibang estruktura. “Nakalutang po ay yung ano lang dulo na kulay pula itong itong pinaka parang antena po ah may antena siya,” dagdag pa ni Valenzuela.
Takot sa Natuklasang Drone
Matapos nilang hilahin ang drone, nagdulot ito ng takot sa mga mangingisda. Isa sa kanyang kasama ang nagsabi: “Sabi ng kasama ko ano bomba pala….”
Sa kabila ng pangamba, itinuloy nila ang pagbuhat sa drone. Ayon kay Valenzuela, mahigit isang tonelada ang bigat nito: “Mabigat mga mahigit 1,000 kilo.”
Sinabi rin niya na nag-ingat siya sa paghawak nito, lalo na sa antena, na maaaring mag-trigger umano ng pagsabog. “Ah takot nga ako sir eh… Saan ka lang? Dun lang sa puno… Oo yung sa palikpik niya dun ako humawak,” dagdag niya.
Pagturn-Over ng Drone sa Philippine Navy
Ang drone ay dinala ng grupo sa pampang ngunit hindi agad na-report. Ayon kay Valenzuela, naiwan siya sa bahay habang ang kanyang mga kasama ang nagtuloy upang magbenta ng isda. Kalaunan, nai-turn over ito sa Philippine Navy.
Sinabi ni Police Colonel Bevel na maingat nilang itinurn-over ang drone sa Navy. “Upon the receipt of the information… walang gagalaw because I’m going to coordinate with the Regional operation division for the expertise of an EOD,” ani Bevel.
Pahayag ni Senator Tolentino
Sa imbestigasyon, tinanong ni Senador Francis Tolentino ang mga mangingisda tungkol sa natagpuan nilang drone. Ayon sa kanya, mahalagang maunawaan ang pagkakakilanlan ng drone. “May nakita ba kayong mga markings? May tunog ba kayong narinig mula rito?” tanong niya.
Idiniin ni Tolentino na ang transparency at kooperasyon ng mga mangingisda ay mahalaga sa pagsisiyasat.
Ano nga ba ang Drone?
Ayon kay General Jonathan Cabal, hindi ito isang pangkaraniwang drone. “It is military-grade or scientific in nature,” paliwanag niya. May markang “HY-119” ang drone, na nagpapahiwatig ng koneksyon nito sa Chinese surveillance systems.
Dagdag pa ni Cabal, mayroon nang naitalang mga insidente ng ganitong klaseng drone sa ibang bahagi ng rehiyon. “Similar incidents have occurred, including one in Indonesia,” aniya.
Iba Pang Detalye:
- Ang drone ay may haba na dalawang metro, may mga palikpik, at may antenna.
- Hindi ito itinuturing na armas ngunit pinaniniwalaang ginagamit para sa surveillance.
- May mga naitalang naunang insidente ng pagkakarekober ng mga katulad na drone, kabilang ang isang insidente sa Catanduanes.
- Ang mga lugar kung saan natagpuan ang mga underwater drones ay nautical highways o choke points na mahalaga sa maritime traffic.
Isang Paalala sa Lahat
Ang pangyayaring ito ay nagpapaalala sa kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng mga mangingisda at ng responsableng pag-uulat sa mga otoridad. Sa mga ganitong insidente, mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa para mapanatili ang seguridad ng bansa. —by Osen Dionisio /Newswriter, PinasNews
Follow us on our social media:
📺www.youtube.com/@PinasNews
👉www.facebook.com/pinasnewstv
Ano sa palagay mo?