Sinimulan nitong Huwebes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagtalakay sa mga posibleng pagbabago sa 1987 Constitution para paigtingin at pagbutihin at lalo pang isaayos ang ating Saligang Batas.
Ani Padilla, kinikilala niya ang tungkulin bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes para rito.
“May isang katotohanang nanaig, nananaig, at mananaig – ito ay ang katotohanang tumutugon ang mga Pilipino sa mga pagkakataong tinatawag tayo upang paigtingin, pagbutihin o lalo pang isaayos ang ating Saligang Batas kung kinakailangan,” ani Padilla sa organizational meeting ng komite.
“Bukas ang ating isipan sa mga kaalaman, opinyon, at suhestyon patungkol sa mga panukalang naglalayong pagbutihin pa ang ating Saligang Batas,” dagdag nito.
Naging sentro ng malayang talakayan ang tatlong punto:
* Kinakailangan bang baguhin o rebisahin ang 1987 Constitution katulad ng mga nangyari sa mga dating Konstitusyon?
* Sa anong modality nararapat baguhin o amyendahan ang ating kasalukuyang Saligang Batas?
* Sa debate patungkol sa pagboto sa mga iminumungkahing susog o pagbabago ng Konstitusyon, ano ang posisyon sa isyu kung ang dalawang kapulungan – ang Senado at House of Representatives – at ang mga miyembro nito ay dapat bang bumoto jointly o separately?
Iginiit ni Padilla na noon pa man ay hindi maikakaila ang napakahalagang papel na ginagampanan ng Konstitusyon sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas. Mula noong 1898 hanggang 1987, nagkaroon ng mga pagbabago ang Saligang Batas.
“Napakaraming pangyayari at detalyeng pumalibot sa bawat mga kaganapan, tulad ng mga rebisyon at mga debate sa mga probisyong naging bahagi ng mga bersyon ng Konstitusyon sa mahigit isang siglo. Subalit kung aking iisa-isahin po ito, mahaba itong usapin,” ani Padilla.
“Gayunpaman, may isang katotohanang nanaig, nananaig, at mananaig – ito ay ang katotohanang tumutugon ang mga Pilipino sa mga pagkakataong tinatawag tayo upang paigtingin, pagbutihin o lalo pang isaayos ang ating Saligang Batas kung kinakailangan,” dagdag niya.
Ano sa palagay mo?