Kung kinaya ng Pilipinas ang maglunsad ng makasaysayang pagkilos para sa karapatan nito sa West Philippine Sea, hindi ba ganyan din dapat ang pagpursigi sa karapatan natin sa Sabah?
Ito ang nilalaman ng unang privilege speech ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes, kung saan nanawagan siya sa pamahalaan na suportahan ang laban ng Sultanato ng Sulu para makuha ang bayad upa na $14.92 bilyon.
“Sariwa pa sa atin ang makasaysayang desisyon ng Hague Permanent Court of Arbitration noong 2016 ukol sa West Philippine Sea. Binuhusan ng pansin at panahon ang usaping ito na nagbunga ng monumental na desisyon para sa kapakinabangan ng bansa. Kung kinaya nating maglunsad ng makasaysayang pagkilos sa katulad na national agenda, bakit tila po salat na salat sa pansin ang Sabah?” aniya.
“Hindi natin maitatanggi: sensitibo ang paksa. Ngunit tulad ng lahat ng usapin na may malalim at mabigat na implikasyon sa ating Inang Bayan, hindi natin ito maaaring ipagsawalang bahala; hindi tayo maaaring manahimik na lamang,” dagdag niya.
Ani Padilla, karapat-dapat na “tulungan ng buong kapangyarihan ng ating pamahalaan ang mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu katulad ng pagtulong nito sa kahit sinong mamamayan sa loob at labas ng bansa.”
Iginiit niya na ang pagtulong ng pamahalaan sa kanyang mamamayan ay “mandato ng Estado,” at “hindi ito dapat pagmulan ng anumang tensyon sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia.”
“Isipin natin: kung malaki ang kapakinabangan ng bansa mula sa desisyong ito – kabilang na ang buwis na bubuhos mula sa parangal sa mga claimants – bakit wala tayong ginagawa para tulungan sila?” aniya.
Ani Padilla, pinagbabayad ng French Arbitration Court ang Malaysia ng halagang $14.92 bilyon para sa pinaupahang teritoryo.
Sa loob ng 135 taon, alinsunod sa kasunduan noong 1878, tuloy-tuloy ang natatanggap na bayad-upa ng mga tagapagmana ng Sultanato, ani Padilla. Ito ang taunang bayad galing sa United Kingdom mula 1878 hanggang 1962 at sa gobyerno ng Malaysia naman mula 1963 hanggang 2013, kung kailan itinigil ng Malaysia ang taunang bayad-upa pagkatapos ng sigalot sa Lahad Datu.
Ang pagtigil ng pagbayad ang nag-udyok sa paghahain ng Sulu Royal family ng reklamo sa internasyonal na tribunal noong 2018 – nguni’t sa kabila ng tuloy-tuloy na paglilitis, hindi nagpaabot ng representasyon ang pamahalaan ng Malaysia liban na lamang sa tatlong pagkakataon. “Patuloy ang pangbabalewala ng gobyerno ng Malaysia sa arbitrasyon,” ani Padilla.
Sa kabila ng pikit-matang tugon ng gobyerno, napanalunan ng claimants ang kasong isinampa sa Madrid High Court noong Mayo 2020. Pinagtibay rin ng French Arbitration Court ang desisyon, at inatasan ang Malaysia na magbayad ng may kabuuhang $14.9 bilyon sa mga tagapagmana ng Sultanato.
“Nakadidismaya na sa panig natin ay pareho rin ang tugon ng pamahalaan. Hindi ba malaking kapabayaan na hinahayaan nating umasa na lamang ang Sultanato sa tulong ng pribadong organisasyon para tustusan ang kanilang lehitimong laban?” dagdag nito.
“Isapuso at isip po natin: Bilang Pilipino at iisang bansa, isang tagumpay ang panalo sa internasyunal na hukuman ng mga tagapagmana ng Sultanato para sa kanilang karapatan sa Sabah,” ani Padilla.
Mahalaga ang desisyon ng Arbitral Tribunal dahil binibigyan nito ng internasyonal na legal na pagkilala ang tunay na layunin ng mga partidong lumagda sa kasunduan sa Sabah mahigit isang siglo na ang nakararaan, ayon kay Padilla.
Dagdag ni Padilla, tinuran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo na “I will not preside over any process that will abandon even one square inch of the territory of the Republic of the Philippines to any foreign power.”
Breaking Latest News
- Jinky Luistro ibinulgar na may operational computer sa Nanjing, China na kayang ikontrol ang NGCP
- Wasak si Franz Castro kay Ombudsman sa house hearing
- Cong Isidro Ungab sumabog sa dating NCIP head Allen Capuyan sa pagbuo ng armed group na pumapatay sa mga IPs
- IKULONG ang mayayaman na smugglers!
- Robin Padilla binira ang lawlessness ng mga Teves ginamit pa ang mga pulis scalawags
Ano sa palagay mo?