Kasalukuyang iniimbestigahan ng Llanera Police sa Nueva Ecija kung sino ang mga salarin sa likod ng pagnanakaw at pagpatay sa isang negosyante na natagpuang palutang-lutang ang hubo’t hubad na bangkay nito sa irigasyon sa barangay Sta. Barbara, Llanera kahapon ng 7:00 AM.
Kinilala ang biktimang si Paquito ‘Boyet’ de Guzman y Santiago, 66 years old, negosyante, tubong San Vicente, Laur NE, nanirahan sa Iba, Zambales.
Base sa salaysay ng ilang mga saksi, araw ng Huwebes July 28, 2022 sa pagitan ng 2:00-4:00 PM huling nakita ang biktima sa 7-11 store sa bayan ng Bongabon, NE kasama ang tatlong hndi pa nakikilalang babae at dalawang lalaki.
Simula umano nang umalis ito noong umaga ng Huwebes sa bahay ng kanyang magulang na kanyang tinutuluyan sa San Vicente, Laur ay hindi na ito bumalik at hindi na makontak sa cellphone.
Napag-alaman sa panayam ng Balitang Unang Sigaw sa kapatid ng biktima na may dala itong P3.5-Million cash na nakalaang pambili ng dump truck nang lumisan sa bahay sakay ng kaniyang kulay orange na Nissan Navarra Calibre pick up na may plate number NCM 2814.
6:45 PM naman kagabi nang ipaabot sa pamilya ng biktima na natuklasang abandonado sa Sta. Maria, Pangasinan ang nawawalang pick up nito.
Ayon sa Pangasinan Provincial Police may mga dugo sa loob ng sasakyan, kalat-kalat ang mga papeles, at may bag na walang laman.
Lumabas naman sa resulta ng autopsy na ang tama ng bala ng hindi pa natutukoy na baril sa ulo ng biktima ang naging sanhi ng kamatayan nito.
Boyet de Guzman FB account