Magsisimula na sa proseso ng pagpaparehistro para sa national ID System simula sa Oktubre 12, ayon sa anunsyo ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay PSA Assistant Secretary Rose Bautista, isang malaking hamon ang pagsasagawa ng registration process lalo na ngayong nasa panahon ng pandemya.
Bilang Step 1 sa pagkuha ng national ID, gagawin ang pre-registration sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay o doorstep interview para sa targeted respondents, sabi ni Bautista. Dito kukunin ang impormasyon na kailangan sa Step 2.
Kabilang sa targeted respondents ang mga naturang low-income households, na nasa 5 million sa 32 na probinsya, na kasama sa listahan ng Department of Social Welfare and Development.
Kailangang pumunta sa designated registration center para sa pagkuha ng biometrics para sa Step 2.
Hinihikayat ni PSA Assistant Secretary na kumuha ang mga Pilipino ng National ID sa kabila ng pandemya upang makatulong sa mga transaksyon sa pampubliko at pribadong sektor.
“Huwag po kayong matakot na ipagkatiwala ang impormasyon sa PSA para po mairehistro namin kayo at magkaroon tayo ng national ID na makakatulong sa mga maraming bagay para po mapadali ang mga transaksiyon natin,” aniya.
Ayon sa kanya, lilimitahan ang pagpasok ng mga tao sa designated registration centers upang maiwasan ang dagsa ng mga tao. Pananatilihin rin ang mga health at safety protocols tulad ng madalas na disinfection ng machines laban sa banta ng COVID-19.
Ano sa palagay mo?