Si Lapu-Lapu ay kinikilala bilang unang bayani ng Pilipinas dahil sa kanyang paglaban sa mga mananakop na Kastila noong Labanan sa Mactan. Ang tagumpay na ito ay itinuturing na kauna-unahang pagtatanggol ng mga Pilipino laban sa kolonyalismo.
Bagama’t itinuturo ang kwento niya sa mga paaralan, kakaunti lamang ang nakasulat tungkol sa kanyang buhay, pamilya, at kamatayan. Ang alam ng karamihan ay siya ang pumatay kay Ferdinand Magellan. Ayon sa mga tala ng National Historical Commission, karamihan sa mga nalalaman natin ay mula sa mga ulat ng mga kasamahan ni Magellan at iba pang manunulat na Kastila. Wala namang iniwang mga nakasulat na tala ang ating mga ninuno tungkol sa kanya.
Mga Kontrobersya Tungkol sa Pangalan at Sandata ni Lapu-Lapu
Maraming debate tungkol sa tunay niyang pangalan. Ang ilan ay nagsasabing Kalipulako, Lapulapu, o Pula-pula ang kanyang pangalan. Ayon sa dokumentaryo, maaaring “Pula-pula” ang tawag sa kanya dahil hirap ang mga Kastila bigkasin ang “Lapu-Lapu.” Gayunpaman, sa opisyal na tala ni Antonio Pigafetta, na siyang tagasulat ni Magellan, Lapu-Lapu ang ginamit na pangalan.
Maging ang mga sandata na ginamit niya ay pinagtatalunan din. Ayon sa mga ulat, kampilan, sibat, at hardin ang mga pangunahing armas ng kanyang mga mandirigma. Ang kampilan ay karaniwang ginagamit ng mga pinuno sa kanilang digmaan.
Ang Labanan sa Mactan
Ayon sa mga kwento, nang dumating si Magellan sa Mactan, hindi nagamit ng kanyang hukbo ang mga kanyon dahil sa mababaw na tubig. Ang labanan ay naging mano-mano, at mas maraming tauhan ng mga Kastila ang napatay kumpara sa mga tauhan ni Lapu-Lapu. Ang kampilan ang naging pangunahing sandata ng mga mandirigma ni Lapu-Lapu, na naging dahilan ng pagkatalo at pagkamatay ni Magellan.
Mga Kuwento at Alamat Tungkol kay Lapu-Lapu
Pagkatapos ng Labanan sa Mactan, kakaunti na lamang ang naitala tungkol kay Lapu-Lapu. May mga kwento na nagsasabing siya at ang kanyang pamilya ay lumipat sa ibang lugar. Maraming pamilya mula sa Mactan at Visayas, tulad ng mga Pagubo at Talinting, ang nagke-claim na sila ay mga kamag-anak ni Lapu-Lapu, ngunit hindi ito mapatunayan.
Ayon sa ilang matatanda sa Camotes Island, hindi sa Mactan naganap ang labanan kundi sa kanilang isla. Ang mga butong natagpuan sa Mactan ay sinasabing hindi Pilipino, dahil mas mahaba ang mga ito. Ang iba pang artifacts mula sa Mactan ay inilagay sa mga museo, ngunit marami rin ang nawala dahil sa looting.
Ang Simbolo ni Lapu-Lapu
Hanggang ngayon, si Lapu-Lapu ay nananatiling mahalagang simbolo ng paglaban sa kolonyalismo at pagmamalasakit sa kalayaan ng bansa. Bagama’t maraming misteryo ang bumabalot sa kanyang buhay, ang kanyang kabayanihan ay nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino na magtanggol at ipaglaban ang kanilang karapatan. Sa ganitong diwa, si Lapu-Lapu ay hindi lamang isang mandirigma kundi isang walang hanggang bayani ng lahi.
Ano sa palagay mo?