Sa gitna ng mga lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic at mga pagsabog sa Lebanon na ikinamatay ng apat na Pilipino, nagmagandang-loob ang komedyante at host ng palatuntunang “Wowowin” na maglabas ng milyun-milyon mula sa sariling bulsa at tumulong.
“Ngayon, sa sarili kong pinag-ipunan, dahil ako naman po ay may trabaho ngayon… gusto kong tumulong una doon sa mga jeepney drivers ano. Sa tingin ko, ito ang unang nangangailangan,” sabi ni Kuya Willie Revillame.
“Ang balak ko ho ay magbigay ng P5 million… sa araw na ito, handa ako, at ibibigay sa jeepney drivers na talagang namamalimos na.” Ilang buwan na kasing hindi pinapayagan pumasada ang libu-libong jeepney driver, lalo na sa Metro Manila, bilang pag-iingat ng gobyerno laban sa hawaan ng COVID-19.
Pero dahil diyan, wala tuloy kinikita ang 66,055 jeepney units magpahanggang sa ngayon, bagay na nagtutulak para sa umasa sa ayuda o mamalimos na lang ng pera
“Next month, magbibigay uli ako ng P5 million doon sa mga taong talagang nangangailangan. Kung kakayanin kong monthly ito, sasabihin ko kay Secretary Harry Roque,” dagdag pa ng aktor.
Pero hindi natapos diyan ang pamimigay ng tulong ni Willie, lalo na’t narinig niya ang nangyaring mga pagsabog sa Lebanon noong ika-4 ng Agosto, na ikinasawi na ng apat na Pilipino at ikinasugat ng 31 iba pang kababayan.
Ayon pa kay Revillame — magbibigay siya ng P100,000 sa pamilya ng apat na overseas Filipino workers na namatay sa Beirut explosions.
“‘Pag tutulong ka, lubus-lubosin mo na. ‘Yung apat na pamilya po na naulila, I’m willing to give P100,000 each. Sa mga kababayan natin. Nadudugo ang puso ko sa ating mga kababayan,” sabi pa niya.
“Basta’t hangga’t kaya kong tumulong, kasama ko naman ang GMA-7 diyan, gagawin ko.”
Sumatutal, aabot sa P400,000 ang tulong na ipadadala aniya ni Roque sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang tulong.
-Philstar.com/James Relativo
Ano sa palagay mo?