Panoorin.
Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kapulisan na hulihin at ikulong ang mga mahuhuling mali ang pagkakasuot o walang suot na face mask.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng bise presidente na isang “counterproductive” na paraan ang naisip ng pangulo para masigurong lahat ay nagsusuot at tama ang pagkakasuot ng face masks.
“Para sa akin, hindi nakakatulong na ‘yung default natin ay aresto,” saad ni Robredo sa kanyang programa sa radio na BISErbisyong LENI. “Unang-una, ‘yung sitwasyon nga sa mga jail natin grabe. Mag-aaresto ka kasi gusto mong i-protect ‘yung mga tao, pero lalong counterproductive ‘yun eh.”
Sa halip na hulihin agad at ikulong, sinabi ni Robredo na mas maigi kung palalakasin pa ng pamahalaan ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa mga COVID protocol.
Bukod sa information campaign, maaaring ipataw bilang parusa sa mga makukulit na mamamayan ang community service na pwedeng humantong sa pagmumulta kung paulit-ulit na susuway sa protocols.
“‘Wag naman ‘yung parang sasabihin mo sa smallest infractions ay arestuhin, kasi alam natin na merong malalaking tao na mas malalaki din ‘yung mga naging infraction na hindi naman nga inaresto,” dagdag pa ng bise presidente.
“So, parang maling response. Mas mabuting tulungan ‘yung tao na hindi nakakaintindi kung papaano nya ‘yun gagamitin.”