Sa isang mainit na pagdinig ng Kongreso, muling napukaw ang usapin tungkol sa kontrol ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP). Inilantad ang mga alalahanin ukol sa presensya ng mga Chinese nationals sa mga desisyong kritikal para sa kumpanya. Tinanong ni Cong. Ace Barbers, “Bakit sila yung nagdedesisyon eh hindi ba dapat Pilipino ang nagdedesisyon diyan?”
Para sa kanya, dapat siguraduhin na ang kontrol ay mananatili sa kamay ng mga Pilipino, lalo na sa isang mahalagang imprastruktura tulad ng power grid.
Ang “Isang Pindot Lang” na Senaryo
Binanggit ni Cong. Barbers ang nakakatakot na posibilidad na maaaring kontrolin ng isang banyagang bansa, partikular na ang China, ang ating power grid gamit ang “isang pindot lang.” Aniya, “I cannot imagine utility companies being managed and operated by quote end-quote the enemy. Eh isang pindot lang ba nila mawawala na ang power sa atin?”
Sa kanyang pananaw, ang presensya ng mga Chinese nationals sa mga posisyon ng desisyon ay nagbibigay ng panganib na maaaring magamit ang grid laban sa interes ng Pilipinas, lalo na kung lumala ang tensyon sa West Philippine Sea.
Idiniin niya na, “The Filipino people must be informed they need to know kung ito ay posibleng mangyari.”
Pilipino ang may Kontrol
Ipinaliwanag ni Atty. Lally Mallari, kinatawan ng NGCP, na ang kumpanya ay nasa ilalim ng kontrol ng mga Pilipino.
“Pinaninindigan ninyo na ang merong management control at nag-o-operate ay Filipino? “
“Opo, your honor”
“Okay, so Pilipino lahat yan?”
Opo, your honor.”
“Okay.”
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Cong. Barbers ang mga pahayag ni Mallari. Ibinunyag niya ang pagkakaroon ng isang working group na pinamumunuan nina Yan Ming Jun at Chen Changwei, na may malaking impluwensya sa mga kritikal na desisyon ng NGCP. Aniya, “The Chairman and the alternate Chairman of the working group are the ones deciding, nakakatakot ito, nakakatakot ito.”
Dagdag pa rito, iniugnay ni Barbers ang grupong ito sa mga proseso ng bid evaluation noong 2014, kung saan karamihan sa mga bidders ay pagmamay-ari rin ng mga Chinese. Ang kontradiksyon sa mga pahayag ni Mallari ay lalong nagbigay ng pagdududa sa totoong saklaw ng kontrol ng mga Pilipino sa NGCP.
Walang Pakialam ang Dayuhan
Tiniyak rin na may sapat na mga hakbang pang-seguridad upang maiwasan ang anumang banyagang pakikialam sa power grid. Sa sagutan ni Barbers at Mallari,
Barbers: “Hinding-hindi pwede na pakialaman ng dayuhan ang control sa ating ah electricidad o power dito sa ating bansa?“
Mallari: “Opo!“
Barbers: “Sigurado kayo diyan?“
Mallari: “Opo.“
Ngunit, sa kabila ng katiyakang ito, ang “isang pindot lang” na senaryo ay nananatiling isang nakakabagabag na ideya para kay Barbers.
Ang Totoo sa mga Pangamba
- Pagkabahala ni Barbers: Ang posibleng banyagang kontrol sa kritikal na imprastruktura tulad ng NGCP ay isang usapin ng pambansang seguridad.
- Pagtiyak ni Mallari: Bagama’t sinasabing kontrolado ng mga Pilipino ang NGCP, nananatili ang tanong ukol sa impluwensya ng mga Chinese nationals sa proseso ng desisyon.
- Pagsusuri ni San Diego: Habang may mga hakbang pang-seguridad, hindi nito tuluyang nasasagot ang mga pinakamaseselang tanong tungkol sa potensyal na kontrol ng banyaga.
Ang diskusyon ukol sa NGCP ay hindi lamang tungkol sa teknikalidad kundi tungkol sa kasarinlan at kaligtasan ng ating bansa. Dapat manatiling alerto ang bawat Pilipino sa isyung ito. —by Osen Dionisio /Newswriter, PinasNews
Follow us on our social media:
📺www.youtube.com/@PinasNews
👉www.facebook.com/pinasnewstv
Ano sa palagay mo?