Humihiling ngayon ng proteksiyon ang pamilya ni Dr. Chao-Tiao Yumol, suspek sa Ateneo campus shooting sa Quezon City, matapos na barilin at mapatay sa Lamitan, Basilan nitong Biyernes ang kanilang padre de pamilya.
Umaga nitong Biyernes nang pagbabarilin sa labas ng kanilang bahay sa Lamitan si Rolando Yumol, retiradong pulis, at ama ni Chao-Tiao.
Nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Chino Gaston at Efren Mamac sa GMA News “24 Oras,” umapela si Muykim, ina ni Chao-Tiao, kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tulungan sila dahil sa natatanggap daw nilang impormasyon sa banta sa kanilang buhay.
“Mayroon pong bali-balita na pinag-iingat na ho kami, na iisa-isahin na raw kami,” sabi ni Muykim.
“Sana matulungan kami ni Presidente ‘Bongbong’ Marcos, nasa panganib na ang buhay namin. President, maawa po kayo sa amin. Nasa threat ho ang buhay naming lahat,” pakiusap niya.
Ayon pa sa ginang, marami ang nagpapayo sa kanilang pamilya na mag-ingat.
“Gusto ko bumalik yung asawa ko. Yung tao lang ho namin ang nag-aasikaso wala ho kaming ibang ano roon. Pati yung mga tao namin natatakot na rin, yung mga tao namin hindi namin kadugo,” sabi ni Muykim.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring pagpaslang kay Rolando.
“Sa mga kababayan natin sa Lamitan, maging mahinahon po tayo. Huwag po tayong magpadalos-dalos, mag-suspect kung may alitan man sila in both parties. Sa ngayon po sinisikap natin makahagilap ng impormasyon. Under thorough investigation pa po yung kaso na ito,” ayon kay Lamitan City Police chief Police Lieutenant Colonel Tadzhabel Managola.
Patong-patong na kaso ang isinampa ng pulisya laban kay Chao-Tiao dahil sa pagbaril at pagpatay kina dating Lamitan Mayor Rose Furigay, executive aide nito na si Victor Capistrano, at Ateneo security guard na si Jeneven Bandiala.
Nasugatan din ang anak ni Furigay na si Hannah, na kabilang sana sa mga magtatapos na law students ng unibersidad noong Linggo.
“We believe that we have a strong case [against Dr. Yumol] considering all the evidence and testimonies we gathered. All these are leading to the suspect we have under custody,” ayon kay PNP Officer-In-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr.
“As of now, the suspect remains in the custody of the QCPD. We assure that the suspect is afforded his constitutional rights, at the same time no special favors will be granted to him,” dagdag niya.
Kasabay nito, itinanggi ni Atty. Quirino Esguerra, ang mga espekulasyon na may kinalaman ang pamilya Furigay na kliyente niya, sa nangyari kay Rolando Yumol.
“Wala pong basis na related [ang pagpatay kay Rolando] sa [Ateneo shooting] incident,” ani Esguerra. “At saka uulitin ko, hindi po nila nilagay ang batas sa kanilang kamay.”
Samantala, sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Basilan Provincial Police Director Police Colonel Pedro Martirez, inatasan niya ang kapulisan na higpitan ang pagbabantay sa pamilya Yumol at maging sa pamilya Furigay.
“Meron tayong tropa na nagbabantay sa kaniya kahapon. Sinabihan siya na ‘wag masyadong lalabas. Hintayin munang bumalik ang tropa natin para mabigyan sila ng protection,” sabi ng opisyal patungkol kay Rolando.
“Unfortunately ‘yun na, di rin inaasahan. Meron din siyang nakuhang baril sa kanya pero naunahan kasi. Apat na tama ng bala sa kanyang likuran at mabilis ang pangyayari. Nakaalis na agad ang mga suspect na nakasakay sa motor,” dagdag nito.
Napag-alaman din ni Martinez na umalis na umano sa lugar ang pamilya ni Rolando.
“Accordingly, ‘yung family po ng biktima na si Rolando Yumol, wala na po sa area. ‘Yung asawa at isang anak. Wala na po sila doon pero binabantayan pa rin natin ‘yung bahay na pinangyarihan ng krimen,” pahayag nito.— FRJ, GMA News
Source: Ina ng suspek sa Ateneo shooting, humihingi ng proteksiyon: ‘Iisa-isahin na raw kami’
Breaking Latest News
- Wasak si Franz Castro kay Ombudsman at naging katawa-tawa sa mga tanong sa house hearing
- Cong Isidro Ungab sumabog sa dating NCIP head Allen Capuyan sa pagbuo ng armed group na pumapatay sa mga IPs
- IKULONG ang mayayaman na smugglers!
- Robin Padilla binira ang lawlessness ng mga Teves ginamit pa ang mga pulis scalawags
- Francis Tolentino seeks postponement of Barangay, SK election in Negros Oriental