Hindi turo ng Islam ang manakit ng mga kasambahay, kabilang na rito ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules, matapos ipalabas ni Sen. Raffy Tulfo bilang bahagi ng kanyang privilege speech ang mga video ng pananakit sa mga OFWs ng kanilang mga amo sa ibang bansa, kabilang ang mga nasa Gitnang Silangan.
Ani Padilla, nasaktan siya matapos mabanggit na ilan sa mga bansa kung saan nangyari ang pang-aabusong ito ay mga lugar kung saan ang Muslim ang karamihang naninirahan, tulad ng Kuwait, Saudi Arabia at United Arab Emirates.
“Meron lang po akong gustong linawin. Ang mga ganap na ito ay hindi po katuruan ng Muslim. Wala po ito sa katuruan namin. Katunayan, ang turo po sa amin ng Propetang Mohammad, kailanman kahit sinong tao dapat tratuhin mong pantay-pantay lalo na po ang tinatawag nating servants, kasambahay, katulong. Sila po ay pinoproteksyunan ng Islam,” wika ni Padilla.
“Kaya po sana hinihingi ko ang patawad ng aking mga kababayan sa ganap na ito sapagka’t ang mga gumagawa po nito ay matatawag nating mga Arabo. Huwag po natin tawagin na mga Muslim,” dagdag ng mambabatas na ang pangalang Muslim ay Abdul Aziz.
Humingi siya ng tulong kay Sen. Tulfo para mabigyan ang ating mga OFWs ng kahit na basic education sa lengwahe at kultura sa bayang pupuntahan.
Iginiit din ni Padilla na dapat parusahan ang mga napatunayan na nagpabaya sa mga OFW.
“Intindihin ninyo, patawarin nyo po kami sa kagagawan ng aming mga kapatid kung sila ay talagang karumal dumal po. Gusto ko ang linawin na wala itong kinalaman sa Islam. Yun lang po,” ani Padilla.
Ano sa palagay mo?