Malinaw sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang hindi pagpayag na maging re-enacted ang pondo ng pamahalaan sa taong 2021.
Nagpatawag ang Pangulo ng special session sa Kongreso sa Oktubre 13-16, 2020 upang muling ipagpatuloy ang congressional deliberations para sa national budget sa susunod na taon, na nagkakahalaga ng 4.5 trilyong piso. Iginiit niyang iwasan ang delay ng pagpapasa nito.
Ayon sa ulat ni Presidential Spokesperson Harry Roque, walang pakundangang sinabi ng Pangulo na kung hindi kaya ng mga kongresistang gawin ang kanilang mga trabaho na ma-approve ang 2021 proposed budget, ay ang pangulo mismo ang gagawa nito.
Maaalalang nang dahil sa isyu ukol sa term-sharing agreement, ay mayroong alitan sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lourd Allan Velasco na nagresulta sa pagkahinto ng pagpapatibay sa third at final reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa National Budget.
Idinagdag pa ni Roque na kung sakaling kulangin ang panahon ng Senado sa pagpapatibay ng budget nang dahil sa personal na pulitika sa mababang kongreso ay igigiit ng Malacanang na magkaroon ng special session sa holiday break sa Disyembre.
Ano sa palagay mo?