Ipinatupad ng DOTr ang “cashless” commute sa mga bus sa EDSA na ikinagulat ng mga pasahero dahil sa mahal na singil sa Beep cards. Umano’y nagulat rin si DOTr Secretary Art Tugade na may bayad pala ang mga beep cards na kailangan para sa cashless payments.
“Ayoko na lang po magturo kasi hindi po kami ganoon. Pero sa discussion po noong kinokontrata po ang EDSA Busway with the operators, kasama po sa lahat ang DOTr… At saka nagkaroon kami ng pilot run bago ipatupad ang ‘no Beep card, no ride policy’ na dinesisyunan po ng DOTr na talagang may konting bayad po para sa Beep card,” paliwanag ni Sharon Fong, chief commercial officer ng AF Payments.
Dahil dito at sa mga hinaing ng mga pasahero ay sinuspinde ng pamahalaan ang cashless scheme nito.
Ayon sa AF Payments, handa na nilang ipamigay ang 125,000 pirasong Beep cards sa mga mahihirap na pasahero, na manggagaling sa donasyon ng shareholders na Ayala at First Pacific groups.
“Ang balak po namin simulan na ang distribution ng 125,000 Beep cards simula bukas. Nakausap na po namin ang DOTr kahapon kasi gusto namin na tulungan nila kami sa pag-distribute ng Beep card pero handa po kaming i-distribute ito simula po bukas,” ani Fong.