Inutusan ng Makati Prosecutor’s Office ang Makati Police na magsagawa pa ng malawakang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, 23.
Si Dacera ay natagpuang wala nang buhay sa bathtub ng kuwarto nito sa City Garden Hotel, Makati City, noong January 1, 2021.
Ayon pa sa resolusyon ng prosecutor, dapat pakawalan na rin ng awtoridad ang tatlong nakapiit na akusado habang isinasagawa ang malawakang imbestigasyon sa insidente.
Ang tatlong nasa kustodiya ng Makati Police na dapat pakawalan kaagad ay sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Daluro Galido, at John Paul Reyes Halili.
Sila ay mga matalik na kaibigan ni Dacera.
Sabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, magsasagawa sila ng preliminary investigation sa January 13.
Dito ay ay busisiin nilang maigi ang sumusunod:
1. Nagahasa ba talaga si Dacera o kaya ay pinatay? At sinu-sino ang mga responsable?
2. Panggagahasa ba talaga ang totoong dahilan ng kamatayan ni Dacera o may iba pang kadahilanan?
Inatasan din ni Malcontento ang pulisya na magsumite ng karagdagang ebidensiya katulad ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis, at histopath examination report.
Ang resolusyon na ito ng Makati Prosecutor’s Office ay taliwas sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) na “solved” na ang kaso.
Source: PEP.ph