Kinuwestiyon muli ni Senator Idol Raffy Tulfo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa pangha-harass umano nito sa mga pedicab drivers, sari-saristore owners at iba pang maliliit na negosyante upang makakolekta ng pondo.
Sa pagdinig ng Senate Finance Sub-committee ngayong araw, sinabi ni Tulfo na mayroon ng record ang BIR kung saan pinupuntirya nito ang mga maliliit na manggagawang Pilipino, imbes na mga big-time tax evaders, tuwing nagkukulang ang kanilang koleksyon.
“Tuwing gusto niyo po makakolekta ng karagdagang buwis, dahil kayo po ay nagkaroon ng shortfall dahil hindi niyo naabot ang target niyo, ang pinagiinitan ninyo palagi ay ‘yung mga maliliit nating kababayan,” he said. Naalala ni Tulfo na noong 2010, ay iminungkahi ng BIR na i-require ang mga pedicab at tricycle drivers, market vendors at sari-sari store owners na mag-isyu ng mga resibo para sa mga produkto o serbisyong ibinebenta ng mahigit 25 pesos.
Binanggit niya din na noong 2017, na inatasan ng BIR ang 123 revenue district officers sa buong bansa na simulan ang paglista ng mga sari-sari stores upang mangolekta ng buwis.
Kung gusto talaga ng BIR na makakolekta ng malaking halaga, binigyang diin ni Tulfo na dapat pagtuunan nito ng pansin ang bigtime oil smugglers.
Iginiit ng mambabatas na hindi maaaring magtago ang BIR sa inilabas na data ng Department of Finance (DOF) na umabot diumano sa mahigit 400-B pesos ang buwis na nakolekta mula sa mga marked fuel products mula sa customs duties.
Hiningi ni Tulfo sa Bureau of Customs (BOC) ang rekord na nagpapatunay na ang lahat ng marked fuel products ng BOC ay tumutugma sa datos mula sa United Nations Conference on Trade and Development, na aniya ay mayroong global data na nagpapakita ng lahat ng kumpanyang nagluluwas ng langis sa ating bansa.
Kung ito ay hindi magtutugma, sinabi ni Tulfo na ito ay patunay na talamak pa din talaga ang smuggling sa bansa kahit na mayroon tayong 1.9B pesos na kontrata sa Societe Generale de Surveillance (SGS).
Humingi din si Tulfo sa BOC ng record na nagpapakita na pisikal na nakapaginspeksyon ang SGS sa 1,700 gasosline stations sa bansa kada buwan nitong mga nakaraang taon.
Sa 1,700, sinabi ni Tulfo na dapat makapagbigay ang BOC ng datos na nagpapakitang pumasa ang isang gas station sa fuel marking. “I wouldn’t believe you when you say that all, 100%, passed the inspection,” ani Tulfo.
Nabigo si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ibigay ang lahat ng mga dokumentong hiningi ni Tulfo dahil wala ang umano’y opisyal na responsable sa pangangasiwa ng fuel markings.
Iginiit din ni Tulfo na hindi dapat i-renew ng gobyerno ang kontrata nito sa SGS, na nakatakdang mag-expire sa susunod na taon.
“Ako po, bilang Chairperson ng Energy Committee, haharangin ko po ang renewal ng SGS. Because I see na useless po ito. Yung sinasabi niyo po tumaas ang koleksyon ng tax to P450-B, eh tumaas po yung presyo ng langis e, natural pag taas ng presyo ng langis, tataas yung koleksyon. hindi po ba?” saad ni Tulfo.
Ano sa palagay mo?