Inalmahan ni Senator Idol Raffy Tulfo ang ginagawa ng ibang heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pag-uutos sa ibang lower-rank soldiers na gawin ang iba’t ibang gawain sa kanilang mga bahay.
Sa pagdinig ng budget ng Senado para sa Department of National Defense (DND) nitong Martes, pinaalalahanan ni Tulfo ang mga opisyal ng DND na hindi nagsanay ang mga sundalo upang maging personal na taga-pamalengke, o taga linis ng bahay at kubeta, ng mga heneral.
“Ang mga sundalo po natin ay trained. Nag-invest ang ating gobyerno sa kanila upang matuto sila kung paano humawak ng baril at kung paano dedepensahan ang ating bansa laban sa ating mga enemies. Hindi po sila ti-nrain para humawak ng walis at gawing ‘Boy’ ng mga Heneral sa kanilang mga bahay,” ani Tulfo.
Imbes na kumuha at magbayad ng kasambahay, napagalaman ni Tulfo na pinaalis ng ilang heneral ang mga sundalo upang papuntahin sa kanilang mga bahay para gawing “Boy.”
Dati ring nakatanggap si Tulfo ng reklamo sa kanyang radio program mula sa mga misis na nagsasabing inuutusan ng mga heneral na maglaba at magplantsa ng mga personal na damit nila at kanilang pamilya.
Ani Tulfo, tungkulin ng mga sundalo na pagsilbihan ang bansa at hindi ang mga matataas na opisyal na ginagawa silang “Boy.”
Ayon kay DND Secretary Jose Faustino, Jr. papaimbestigahan nya ang nasabing isyu.
Di rin ikinatuwa ni Tulfo ang mababang subsistence allowance ng mga sundalo na P150 kada araw.
“Ano pong mabibili ng 150 pesos a day ngayon? Three times a day po silang kakain. In fact, sa P150, hindi pa tayo makakabili ng disenteng hamburger niyan. Di po sapat yun. Taas-taasan naman po sana natin ang subsistence allowance nila,” ani Tulfo.
Ayon sa mambabatas, nakita niya noong siya ay nagiikot para mangampanya na ang kinakain lamang ng mga sundalo ay sardinas, tuyo at talbos ng kamote.
Tinalakay din ni Tulfo ang diumano’y delay sa pagbibigay ng Philippine Veterans Affair Office (PVAO) Old Age Pension para sa mga beterano.
“Just imagine, noong sila ay malakas pa, ay inaalagaan at pinoprotektahan nila tayo. Ngayon na mahina na sila, para na silang basahan na nagmamakaawa sa PVAO office para mabigay kung anuman ang nararapat para sa kanila. Dapat tayo naman ang mag-alaga sa kanila,” saad niya.
Ayon kay Tulfo, may mga pagkakataon pa kung saan marerelease lamang ang pension ng mga beterano kung kailan sila ay pumanaw na.
Para naman mabigay ang medikal na pangangailangan ng mga sundalo, Itinulak din ni Tulfo ang modernisasyon ng V. Luna General Hospital. Saad niya, kailangan ng makabili ng mga makabagong kagamitang pang medikal.
Sa ibang isyu naman, kinuwestyon ni Tulfo ang pag-apruba ng AFP sa paglalagay ng mga cell towers na bahagyang pag-aari ng dayuhan, sa loob ng mga kampo ng militar.
Hinimok ng Senador ang AFP na rebyuhin ang kasalukuyang kontrata nito sa mga telcos, at kung maaari, tanggalin ang lahat ng cell towers sa loob ng mga kampo.
Sa huli, sinabi ni Tulfo na buo ang kanyang suporta at pagsaludo sa lahat ng tauhan ng AFP sa pagprotekta sa bansa laban sa mga kaaway ng estado.
Ano sa palagay mo?