Sinasabi sa aklat ng Mga Gawa 13:38, “Dapat ninyong malaman na sa pamamagitan ni Hesus ay ipinapahayag namin sa inyo ang balita na tayo’y patatawarin ng Diyos sa ating mga kasalanan.”
Ano ba ang kapatawaran at bakit natin ito kailangan? Ang salitang “pagpapatawad” ay maihahambing sa paglilinis sa ating nakaraan. Kapag nakagawa tayo ng kasalanan sa ating kapwa, humihingi tayo ng tawad upang manumbalik ang ating dating magandang relasyon.
Ang kapatawaran ay ipinagkakaloob natin sa isang tao hindi dahil karapat-dapat siyang patawarin kundi dahil ito ay pagpapakita natin ng ating pag-ibig, awa at biyaya sa kanya. Ito ay isang desisyon upang mawala ang ating sama ng loob sa ating kapwa sa kabila ng ginawa niya sa atin.
Sinasabi ng Biblia na lahat tayo ay nangangailangan ng pagpapatawad ng Diyos. Tayong lahat ay nagkasala. Ayon sa Mangangaral 7:20, “Walang taong nabubuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkasala.” Sinasabi rin sa 1 Juan 1:8, “Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan.”
Ang kasalanan ay pagrerebelde sa Diyos, (Mga Awit 51:4). Dahil dito, mahalagang makamtan natin ang kapatawarang galing sa Diyos. Kapag hindi natin nakamtan ang kapatawaran para sa ating mga kasalanan, walang katapusan tayong magdadanas ng kaparusahan ng Diyos sa apoy ng impiyerno dahil sa ating mga kasalanan (Mateo 25:45; Juan 3:36).
Paano ko makakamtan ang kapatawaran?
Ang ating Diyos ay mapagmahal at mahabagin. Handa niya tayong patawarin sa ating mga kasalanan. Sinasabi sa 2 Pedro 3:9, “Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan.
Ang totoo’y binibigyan lamang niya ng pagkakataon ang lahat na manumbalik sa kanya, sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman.” Nais ng Diyos na patawarin tayo kaya gumawa siya ng paraan upang atin itong makamtan.
Ang karapatdapat na kabayaran para sa ating mga kasalanan ay kamatayan. Sinasabi sa unang bahagi ng Roma 6:23, “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” Walang hanggang kamatayan ang naging bunga ng ating mga kasalanan. Ayon sa plano ng Diyos, ang Diyos ay naging tao – si Hesu Kristo (Juan 1:1, 14).
Doon sa krus namatay si Hesus sapagkat binayaran niya ang parusa na tayo ang dapat na tumanggap dahil sa ating mga kasalanan at pagsalangsang sa Diyos. Sinasabi sa 2 Corinto 5:21, “Kailanma’y hindi nagkasala si Kristo, ngunit alang-alang sa atin ay itinuring siyang makasalanan upang maituring tayong matuwid ng Diyos sa pamamagitan niya.”
Ang kamatayan ni Hesus ang siyang naging daan upang mapatawad ang kasalanan ng mga tao sa mundo. Sinasabi sa 1 Juan 2:2, “Siya mismo ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng ating mga kasalanan kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo.”
Muling nabuhay si Hesus mula sa mga patay at ito ay isang katibayan na napagtagumpayan Niya ang kasalanan at kamatayan (1 Corinto 15:1-28). Purihin ang Diyos dahil sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay na mag-uli, dahil dito, ang ikalawang bahagi ng Roma 6:23 ay nagkatotoo, “ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.”
Gusto mo bang mapatawad ng Diyos ang lahat ng iyong mga kasalanan? Inuusig ka ba ng iyong konsensiya dahil sa iyong mga nagawang pagkakasala? Ang kapatawaran ay maaangkin mo kung mananampalataya ka kay Hesu Kristo bilang iyong tagapagligtas.
Sinasabi sa Efeso 1:7, “Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo ay tinubos tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad ang ating mga kasalanan. Ginawa niya ito ayon sa kadakilaan ng kanyang biyaya na ipinagkaloob sa atin.” Binayaran ni Hesus ang ating mga pagkakasala tayo ay mapatawad ng Diyos.
Ang kailangan mong gawin ay hilingin sa Diyos na patawarin ka dahil sa nananampalataya ka na namatay si Hesus sa krus upang ikaw ay mapatawad ng Diyos. Kahanga-hanga ang mensahe ng Juan 3:16-17 na nagsasabi ng ganito, “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.”
Ganito ba kadali ang kapatawaran?
Oo, ganito kadali para sa atin dahil naging napakahirap para sa Panginoong Hesu Kristo. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at sakit upang hindi na tayo hatulan ng Diyos kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala sa Kanya.
Hindi mo maaaring bilhin sa Diyos ang iyong kapatawaran. Sumampalataya ka at matatanggap mo ito sa dahil lamang sa habag at biyaya Diyos. Kaya kung nais mong ilagak kay Hesu Kristo ang iyong pagtitiwala bilang iyong Tagapagligtas upang makamtan ang kapatawaran mula sa Diyos, narito ang isang modelong panalangin na maaari mong sabihin sa Diyos ng iyong buong puso. Tandaan mo lamang na walang panalangin ang makapagliligtas sa iyo kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu.
“O Diyos, inaamin kong nagkasala ako laban sa iyo at nararapat lamang na ako ay Iyong parusahan. Salamat na inako ni Hesus ang aking mga kasalanan at tiniis ang parusang dapat na ako ang magdanas upang ako’y Iyong mapatawad. Tinatalikuran ko ang lahat ng aking mga kasalanan at nagtitiwala ako ngayon kay Hesus para sa aking kaligtasan. Salamat po sa iyong kahanga-hangang biyaya at kapatawaran. Salamat po sa buhay na walang hanggan. Amen.”
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon na matatagpuan dito sa GotQuestions.org (source).
Abangan ang susunod na paksa sa darating na Linggo. Pagpalain ka ng Panginoon.
Author/Source: GotQuestions.org/Tagalog