Para hindi tuluyang sumabog ang sitwasyon sa Negros Oriental dahil sa pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan, kailangan na kaya ang “military takeover”? Ito ang puntong isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules (April 19), sa patuloy na pagdinig ng Senado sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ani Padilla na ihinambing ang sitwasyon sa probinsya sa isang bulkan, nakasaad sa Saligang Batas na maaaring mag-takeover ang Armed Forces of the Philippines at ayusin ang lugar kung kinakailangan, at kung papayagan ng Pangulo.
“Sa ating Konstitusyon malinaw sinasabi kapag ang isang lugar ay pinamumugaran na ng ganitong klaseng krimen pinapayagan po ang Pangulo ng Pilipinas na mag-takeover kayo at ayusin ang lugar na yan. Sa palagay ninyo di pa ito napapanahon sa Negros Oriental?” aniya.
“(Ang) nararamdaman ko parang bulkan itong naghihintay sumabog dito sa lugar na ito. Palagay ko sa sarili kong maliit na opinyon, parang kailangan na po talaga na kayo rito ng military,” dagdag niya.
Ipinunto ni Padilla na sa Art. VII Sec. 18 ng Saligang Batas, “the President shall be the Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines and whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion or rebellion.”
Ayon kay Padilla, bukod sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo, marami ring biktima ng kalunos-lunos na krimen, kasama na ang mga sibilyan na humihingi lang ng ayuda.
“Masukal po ang mga usaping ito ngunit sa lahat ng testimonya, damdamin, at emosyong bumuhos sa ating pagdinig, hindi po nawawala ang tampok na problema: ang kawalan ng tiwala sa ating kapulisan, ang patuloy na impunity sa Negros, at ang pagsira sa pangalan ng institusyon dahil sa mga scalawag o kalawang na patuloy na sumisira sa pundasyon ng PNP,” aniya.
“Ang mga indibidwal na ito ay minsang pinagkatiwalaan ng tungkuling pangalagaan ang ating bansa, sinanay at ginastusan ng gobyerno para magsilbi sa publiko. Ang paggamit po ng kanilang kadalubhasaan upang isagawa ang gayong kasuklam-suklam na krimen ay hindi po katanggap-tanggap,” dagdag niya.
Sumang-ayon si Pamplona Mayor Janice Degamo na balo ng gobernador, sa mungkahi ni Padilla na napapanahon ang “military control” bagama’t hindi sa punto ng martial law.
“If that would hasten gaano katagal bago truly one can feel wala na talaga ang intimidation, para sa akin in my personal point of view ok ako kung ganoon na lang muna,” aniya.
Ayon naman kay DOJ Undersecretary Hermogenes Andres, sang-ayon din siya na “urgent” na ang sitwasyon sa Negros Oriental.
Source: Senate of the Philippines