Nagpalabas ng balita ang official Facebook page ni Governor Oyie Matias Umali na siya ay nagpositibo sa COVID-19. (NOTE! Ang thumbnail ay isang lumang archive image lamang!)
MAHALAGANG PABATID MULA SA PUNONG-LALAWIGAN
Mapagpalang araw po sa inyong lahat! Bilang inyong Punong-Lalawigan ay obligasyon ko po na ihayag sa publiko ang aking kalagayang pang-kalusugan. Nais ko pong ipabatid sa inyong lahat na ako po ay nag-positibo kahapon, Marso 21, sa Antigen Test para sa Covid-19.
Ngayong araw po ay sumailalim naman ako sa PCR Test, at lumabas po na kumpirmadong positibo ako sa nasabing virus. Kasalukuyan po akong naka-quarantine sa aming tahanan. Bagamat nasa ganitong kalagayan ay patuloy kong ginagampanan ang aking sinumpaang tungkulin sa ating Lalawigan.
Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa ating Probinsya, mariin kong ipinapakiusap ang pakikiisa ng ating mga kababayan. Seryoso po ang banta ng virus na ito. Hiling ko na lagi tayong tumalima sa mga tagubilin ng DOH at ng NE-IATF.
Maraming salamat po sa inyong lahat. Ingatan nawa tayo ng ating Panginoon.
Governor Oyie Matias-UmaliLalawigan ng Nueva Ecija
________________________________
Ang Nueva Ecija ay nagpapatupad ngayon ng mahigpit na mga checkpoints sa buong lalawigan bunsod ito ng pagtaas ng mga kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya.
13 NA CHECKPOINTS SA NUEVA ECIJA, IPINATUTUPAD Nagtalaga na ng 13 border control sa buong lalawigan ang Nueva Ecija Provincial Police Office simula ngayong araw March 22, 2021.
Ito ay matapos na aprubahan ng NE Inter-Agency Task Force sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali at PBGen. Valeriano de Leon ang rekomendasyon ni Acting Provincial Director Col. Jaime Santos Jr. na maghigpit sa naglalabas pasok sa lalawigan.
Bunsod ito ng pagtaas ng mga kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya.
Bukod sa ipinatutupad na checkpoints ay nagtalaga rin ng 20 quarantine control points sa loob ng nasasakupan ng Nueva Ecija.- ulat ni Clariza de Guzman