Tinitingnan ng Department of Science and Technology (DOST) ang lahat ng kailangang paghahanda at pag-iingat para masiguro ang kaligtasan ng mga kasali sa World Health Organization (WHO) Solidarity Trials para sa bakuna laban sa COVID-19.
“Masaya naming tinatanggap ang hamon na pabilisin ang paglabas ng vaccine laban sa COVID-19, ngunit hindi namin ikokompromiso ang bilis para sa kaligtasan ng ating mga mamamayan. Upang mapangalagaan ng husto ang kalusugan at kapakanan ng mga sasali sa vaccine trials ay masusing nakikipag-ugnayan and DOST sa ibat-ibang ahensya ng pamahalaan kagaya ng DOH, DILG at FDA.”
“Ang DOST at ang DOH ay patuloy na nagbibigay ng pahayag ukol sa nakatakdang clinical trials na gaganapin sa bansa at palagi pa ring nagpapaalala na papayagan lamang isagawa ang mga clinical trials kapag aprubado na ito ng FDA.”
“Maraming balita din na kumakalat ukol sa vaccine trials na kailangang bigyan ng linaw. Tumutulong ang aming ahensya upang makagawa ng FAQs on Vaccine Trials kasama ang DOH. Ilalabas ito sa government website sa susunod na araw.”
“Muli’t muli ang DOST ay nagpapaalala sa publiko na wala pang aprubadong bakuna laban sa COVID-19. Hinihikayat namin ang publiko, para sa kaligtasan ng lahat, na ipaalam sa kinauukulan gaya ng Philippine FDA, Philippine National Police o National Bureau of Investigation kung may mapag-alamang impormasyon ukol sa mga napapabalitang kontrabandong bakuna na ipinagbibili.”
Prof. Fortunato T. Dela Pena
DOST Secretary