VIDEO TRANSCRIPT:
USEC. IGNACIO: Secretary, tanong muna kay Gillian Cortez ng Business World. What is the Palace’ reaction to Senator Panfilo Lacson’s statement saying the budget is as good as reenacted? Because of the premature suspension of House sessions without submitting the 2021 budget with the Senate. He said, this is due to the time constrained. This will impose in the timeline to finish the budget before the year ends?
SEC. ROQUE: Well, pangatlong beses ko na pong uulitin ang Tolentino versus Secretary of Finance, hindi naman po dahilan para maantala iyong deliberations sa committee level sa Senado ng ating budget iyong nangyari sa Kamara de Representante.
At sa tingin ko po, pagdating ng November 16 yata, ang sinabi ng House Speaker natin na ma-approve nila on 3rd and final reading ay may sapat pa rin naman pong panahon. Kung hindi, December 14 naman po iyong kanilang recess, puwedeng humingi ng special session para po matapos ang budget.
May mga nagtatanong kung magpapatawag ba ho ang Malacañang ng isang special session para maiwasan ang delay sa pagpasa ng budget. Nag-isyu na po tayo ng statement tungkol dito ‘no, at ang sinabi po natin ay mataas po ang kumpiyansa ng Palasyo na may sapat pang panahon para magtapos po ang deliberation kaya walang dahilan para ito po ay ma-delay.
Para mas maunawaan po natin ito, tingnan po natin iyong dalawang kaso na sinayt [cited] ko doon sa ating press statement. Ang una po ay ang Tolentino vs. Secretary of Finance at ang pangalawa po ay ang Alvarez vs. Guingona. Ang parehong kaso po ay nadesisyunan ng ating Kataas-taasang Hukuman.
Iyong unang kaso po ay tungkol po dito sa pagpa-pass ng VAT ‘no, at ang sinasabi nila ay hindi raw nasunod iyong probisyon ng Saligang Batas na lahat po ng mga appropriations bill ay dapat nagmumula sa ating Kamara.
Ito po ang sabi kasi ng Saligang Batas ‘no na lahat po ng appropriation bill, iyong mga revenue at tariff bills at iyong mga local bills ay dapat magmula sa House of Representatives at dapat mag-concur o propose ng amendment ang Senado.
Ang isyu: Kinakailangan ba hong mapasa on third and final reading bago po makaakto ang Senado? Ang sagot po ng Korte Suprema – hindi.
Dahil ang sabi po sa kaso ng Tolentino, kinakailangan lamang na maunang mag-file ng revenue or appropriation bill sa Mababang Kapulungan.
Ibig sabihin, hindi iyong batas ang dapat maipasa ng Kamara kung hindi iyong bill lang, iyong panukalang batas lang po ay dapat maunang mai-file sa Saligang Batas. Ibig sabihin, maski hindi pa po nagti-third reading ang Kamara ay pupuwede naman pong ma-discuss na ng Senado iyong proposed appropriations bill.
At dito naman po sa kaso ng Alvarez, bagama’t ito po ay isang local bill pero pareho po ang rule na dapat magsimula o mag-originate sa Kamara. Ang sabi naman po ng Korte Suprema ay iyong pagpa-file sa Senado ng isang substitute bill habang inaantay pa iyong bill na galing sa Kamara ay wala pong nilalabag na probisyon ng ating Saligang Batas.
At itong bill nga pong ito ay nakahain naman po sa Senado, naging dahilan kung bakit ang mga iba’t ibang mga komite ng Senado ay nagsimula na ng kanilang deliberasyon.
So uulitin ko po: Tingin ko po, bagama’t naipasa sa second reading at nag-recess o nag-adjourn ang ating Mababang Kapulungan ay hindi po maaantala ang pagdidinig sa mga komite ng Senado ng ating National Appropriations Bill dahil nadesisyunan na po iyan ng Kataas-taasang Hukuman sa kaso ng Tolentino at ng Alvarez.
USEC. IGNACIO: Question from Kris Jose of Remate/Remate Online: May sinabi po si Senator Sotto na maaaring magpatawag ng special session ang Malacañang kung gusto nilang maipasa sa tamang oras ang 2021 National Budget, ito’y matapos suspendihin ni Congressman Cayetano ang sesyon hanggang November 16. Kinukonsidera ba ng Malacañang na option ang pagpapatawag ng special session para hindi daw po ma-delay ang pagpapasa sa national budget?
SEC. ROQUE: With all due respect, kaya po dinitalye natin iyong kaso ng Tolentino ‘no at saka ng Alvarez para ipakita na bagama’t na-approve sa second reading pa lamang ang panukalang batas na National Appropriations Bill sa Mababang Kapulungan eh pupuwede naman po magpatuloy ang Senado sa kanilang deliberations on the committee level ‘no.
So sa tingin ko po, hindi dapat masyadong maantala iyan sa pagdi-declare ng adjournment ng Kongreso kasi sang-ayon po dito sa desisyon na ito ‘no lalung-lalo na iyong Tolentino, puwede naman pong magpatuloy na ang Senado.
In fact, iyong pag-file po ng substitute bill does not violate the rule na dapat mag-originate o magsimula sa Kamara de Representante ang appropriations bill.
Sabi nga dito po sa kasong ito, maski ibang-iba na iyong bill na naipasa ng Senado, wala rin pong epekto iyon dahil kinilala ng Korte Suprema sa kasong Tolentino na iyong mga—dapat magmula iyan sa Kamara dahil mas maraming ang kongresista na mas representatives sa mga pangangailangan ng kanilang mga constituents on a local level.
Pero ang Senado kaya pupuwedeng baguhin altogether ng Senado iyang budget bill na iyan ay dahil mas malawakan naman ang prespektibo ng mga senador na halal ng buong bayan at hindi lang ng mga local constituents. Iyan po ay nakapaloob sa desisyon ng Tolentino versus Secretary of Finance.
Pero kung kinakailangan po talaga eh mayroon naman po ng December 14 ‘no na adjournment for Christmas ang Kongreso. Kung talagang kinakailangan, after the 14th, doon po magpapatawag ng special session. Wala naman pong prejudice iyan.
USEC. IGNACIO: Ang second question po niya: Para naman po kay Senator Lacson, dapat daw linawin ngayon ni Pangulong Duterte ang kaniyang posisyon kaugnay sa lumalalang bangayan sa Speakership post sa kongreso na nakakaapekto na sa timely passage ng 2021 national budget. Giit ni Senator Lacson ang clear signal mula sa Pangulo kung sino ba talaga mula kay Speaker Alan Peter Cayetano or Congressman Lord Allan Velasco ang dapat maupo sa puwesto ay makakatulong na hindi na lumala ang awayan sa kongreso?
SEC. ROQUE: Ulitin ko lang po, hindi po dapat maging dahilan ng pagkaantala ng national budget itong nangyari sa Kamara. Malinaw po ang desisyon ng Tolentino. It is not the law but the revenue bill which is required by the Constitution to originate exclusively in the House of Representatives.
Iyong pagsasampa lang po ng panukalang batas, dapat nauna ang pagsasampa sa Kamara de Representante. At dahil ito naman po ay nasunod, wala pong hadlang, para magpatuloy ang deliberation ng Senado sa national budget bill. Ganoon pa man, in the same way na ang Presidente naman po ay nirerespeto ang indibidwal na opinion o boto ng mga miyembro ng Senado kung sino ang dapat maging Senate President, malinaw na malinaw ang mensahe ng Presidente.
Iyan ay purely internal matter of the House of Representatives, bahala po ang mga representante ng ating mga taumbayan na maghalal ng kanilang lider diyan sa Kamara de Representante. Malinaw na malinaw po ang posisyon ng Presidente at malinaw rin po ang Constitution at ang jurisprudence tungkol dito sa bagay na ito.