Nag-isyu po ang ating Presidente ng isang memorandum na naka-address po kay Secretary Menardo Guevarra ng Department of Justice na bumuo po ng task force para po imbestigahan ang mga anomalya dito sa PhilHealth.
Sang-ayon po sa memorandum ng ating Presidente na kakaisyu lang ngayon lang po, kinakailangan po bumuo ng task force na kabibilangan po ng Ombudsman, ng Commission on Audit, ng Civil Service Commission, ng Office of the Executive Secretary, kasama na po si Usec. Quitain at iba pang ahensiya pa gaya ng PACC, para po mag-imbestiga, maglitis, magsuspend, mag-conduct ng lifestyle check at ipakulong ang lahat ng magnanakaw diyan sa PhilHealth.
Dati-rati po, paulit-ulit nag-iimbestiga ang Kamara at ang Senado, wala pong nangyayari kasi wala pong kapangyarihan ng preventive suspension. Ngayon po, ang imbestigasyon na ito ay kasama na po ang preventive suspension.
So mga kababayan, huwag po kayong mag-alala, nakinig po ang ating Presidente at umakto bagama’t wala pa pong mapapatunayan sa lalong mabilis na panahon, mayroon naman pong preventive suspension na mapangalagaan ang kaban ng PhilHealth.
So, this is not an ordinary investigation, they will in fact exercise the power of preventive suspension and lifestyle check. So, ang mensahe po sa mga buwaya ng PhilHealth, ‘Tapos na po ang maliligayang araw ninyo diyan. Goodbye.’