MACALMA: Secretary Harry Roque, sir, magandang umaga po – sorry. Good morning.
SEC. ROQUE: Opo, magandang umaga po, at magandang umaga, Pilipinas.
MACALMA: Alam ko, masyado kang tense, maraming trabaho, Secretary, sir. Kumustahin ko muna iyong
strawberry fields mo. Kumusta iyong strawberry fields mo sa Baguio?
SEC. ROQUE: Nami-miss ko na po dahil balik na naman sa posting dito sa Maynila.
Anyway, iaanunsiyo ko lang po na ala-una y media kaninang umaga ay binigyan po ng Pangulo ang lahat ng ating mga awtoridad na isang linggo lamang para masigurado na iyong 24,000 po na mga OFWs na naghihintay ng mga resulta ng PCR sa iba’t ibang hotel at sa mga barko diyan po sa Manila Bay ay dapat mapauwi na po ‘no.
Ang sabi ng Pangulo, hindi na po niya aalamin kung anong dahilan sa pagkaantala ng resulta ng PCR testing. Ang importante ngayon, isang linggo para lumabas iyang PCR testing at mapauwi po sa mga probinsiya ang ating mga kababayan.
Binigyan po ng awtoridad ang ating mga kinauukulan na gamitin ang lahat ng resource ng gobyerno para mapauwi sila – mapa-bus, mapa-eroplano, mapa-barko – kung kinakailangan gamitin ang special powers na binigay sa kaniya sa Bayanihan Act para sila ay mapauwi, at gamitin ang lahat ng resources ng gobyerno pati po ang mga eroplano ng Air Force at mga barko ng Navy para po mapauwi ang ating mga kababayan.
Inatasan din po ng ating Pangulo ang DOH na palawakin o palakasin ang PCR testing ng ating mga probinsiya para sa ganoon ay doon na po sila sa probinsiya maghihintay ng kanilang resulta sa PCR at doon na rin sila magka-quaratine ‘no, at hindi na matengga dito sa Metro Manila.
So sabi po ng Presidente, hindi po katanggap-tanggap na napakatagal na ang inabot para sa paghintay ng resulta ng PCR. At kung hindi po natin mapapauwi itong 24,000 na nasa Maynila ngayon, eh paano pa po iyong hundreds of thousands na parating pa ‘no. So isang linggo po ang binibigay ng ating Pangulo sa mga kinauukulan, kasama na po diyan ang DOLE, ang OWWA at ang DOH.
MACALMA: Secretary, sir, klaruhin lang natin na iyong mga OFWs kahit wala pang COVID testing result ay puwede nang pabalikin ng probinsiya? Hindi na hihintayin—
SEC. ROQUE: Hindi po. Ang sabi ng Presidente, sa linggong ito ay dapat mapalabas ang resulta ng PCR testing dahil marami po diyan ay isang buwan na pong naghihintay ng resulta. Hindi na po niya aalamin kung bakit nagkaroon ng ganitong aberya, pero importante ay mapalabas ang PCR testing result at itong linggong ito ay mapauwi silang lahat – lahat po iyan – all 24,000.
MACALMA: Sabagay mabilis na po yata ang resulta, Secretary sir, three days yata o four days.
SEC. ROQUE: Dapat nga po at napakatagal nang hinihintay ng karamihan, ng ating mga kababayan diyan sa iba’t ibang hotels at saka sa mga barko po diyan sa Manila Bay.
MACALMA: At itong pag-uwi, Secretary Roque, sir, walang gastos po ang mga OFWs, sagot lahat ng gobyerno iyan?
SEC. ROQUE: Wala pong gastos ang mga OFWs, gobyerno po ang may sagot: Kung eroplano, gobyerno ang magbabayad; ganoon din po kapag bus at mga barko.
MACALMA: Mayroon pang 42,000 na parating na mga OFWs, Secretary Roque, sir, saan po sila dadalhin?
SEC. ROQUE: Iyon nga po eh, kaya nga po kinakailangan mapauwi na itong 24,000 dahil wala tayong paglalagyan diyan sa 42,000. At kung hindi magkakaroon ng kapasidad ang mga probinsiya na mag-PCR testing, lahat iyan dito sa Manila matetengga.
Kaya po itong linggo namang ito, kinagagalak ng Pangulo na na-increase by 10,000 ang ating PCR testing capacity, sa pagbubukas po ng mga PCR testing facilities sa Cebu, sa Bohol, sa Baguio, sa Iloilo at sa Davao.
MACALMA: By June 1 nga ba, Secretary, sir, ay ida-downgrade na sa GCQ ang Metro Manila?
SEC. ROQUE: Well, kung ang datos po ay magpapakita na napabagal na iyong pagdoble ng kaso ng COVID at dadamihan ang ating critical care capacity, posible po iyan. Pero hintayin po natin ang pormal na anunsiyo ng IATF.
MACALMA: Paano po, Secretary, sir, ang mga malls, mga barbershops, mga salon – bubuksan din po ba? Kailan po sila bubuksan, Secretary, sir?
SEC. ROQUE: Ang mga malls po, bukas na pero kinakailangan po iyong guidelines ng DOH at ng DTI ay mapatupad: Dapat naka-facemask ang tao; mayroong temperature check; at one is to two po – one person to two square meters sa mall; dapat po mainit ang temperatura ng air conditioning; walang libreng WiFi para hindi po maengganyo na tumambay ang mga tao sa malls.
At bagama’t bahagyang bukas ang mga restaurants, ito po ay pang-take-out lamang o delivery; bawal pa rin po ang dine-in. At iyong mga amusement na tinatawag – iyong mga kid-related, lahat po iyan, iyong mga lugar na kung saan nagtitipun-tipon ang maraming tao – iyan po ay patuloy na pinagbabawal. Ang mga barbero, pinag-uusapan na po ngayon. Pero sa ngayon po, hindi pa po sila pinagbubukas.
MACALMA: Kailan po sila puwedeng magbukas, Secretary, sir?
SEC. ROQUE: Tingnan po natin sa mga darating na panahon.
MACALMA: Oho. Secretary, isa pa – alam mo, iyong mga pinapayagang mag-golf, may sinasabi si Secretary Año na puwede raw mag-golf. Ang mga pinapayagan ba ang mga senior citizens lang o lahat puwede nang mag-golf?
SEC. ROQUE: Pinapayagan na po ang senior citizen at ang lahat na mag-golf pero sa GCQ areas po iyan.
MACALMA: Ah, GCQ areas lang.
SEC. ROQUE: Opo.
MACALMA: At kailangan yata sa mga senior ay kailangan ng waiver kapag sila ay maglalaro?
SEC. ROQUE: Eh kung anuman po ang kinakailangan. Basta ang naging desisyon ng IATF ay pupuwede na iyong mga outdoor non-contact sports, at isa na po diyan ang golf, kasama rin ang swimming, ang pagtakbo, ang lawn tennis – basta po outdoors na hindi po contact sports.
MACALMA: Secretary, sir, marami ang nagtatanong: Kailan po bubuksan ang MRT, LRT?
SEC. ROQUE: Eh kapag na-GCQ na po iyan, magkakaroon ng between 10 to 50% capacity ang mga public transportations, subject din po to social distancing of one meter apart.
MACALMA: Secretary Roque, sir, maraming salamat. Magandang umaga po sa inyo. Thank you.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po.